Lumala pa ang mga problemang kinakaharap ng mga eskwelahan kasabay ng pagbabalik ng full face-to-face classes sa bansa ngayong araw.
Ayon kay Alliance of Concerned Teachers Chairperson Vladimer Quetua, lalong naging problema ngayon ng mga paaralan ang kakulangan sa classroom dahil mas marami at sabay-sabay na ang pasok ng mga mag-aaral.
Nabatid na tumaas pa sa 1.5 million ang bilang ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ngayong school year 2022-2023.
Pero paglilinaw ni Quetua, hindi naman sila tutol sa pagbabalik ng full in-person classes pero dapat aniya ay napaghandaan itong mabuti ng Department of Education.
“Hindi tayo tumututol. Sa katunayan, matagal na nating panawagan yung 100% face-to-face. Kaya lang sabi namin, e hindi simpleng dapat buksan lamang ang klase ngayon, dapat punan ang kakulangan,” saad ni Quetua sa panayam ng RMN DZXL 558.
“Yung kalagayan namin, sa totoo lang po buhat noong August 22 ay mas lalong sumidhi. Matatandaan niyo, August 22 hanggang bago mag-November 2, limited face-to-face pa e. Pero ngayong November 2, nagbulagaan na yung mga ine-expect naming mga problema ‘no,” aniya pa.
Dagdag pa niya, dapat na maglatag ang DepEd ng pangmatagalang solusyon kung nais nitong makarekober ang mga bata mula ‘learning loss.’
“Sa katunayan, sumulat po tayo sa ating kalihim, nagbigay tayo ng mga suhestiyon bago pa mag-August 22. Ano-ano po yung mga pwedeng madalian, mabilisan na pwedeng solusyunan kaagad ‘no. Halimbawa po yung pagpupuno ng mga kakulangan. Kaso po ang mga sagot lamang nila ay temporary spaces, yung mga shifting ‘no, e matagal na po yan e. Mga band aid solution yan e.”
Samantala, bukod sa kakulangan sa classroom, problema pa rin hanggang ngayon ang overcrowding, kawalan ng proper ventilation, school nurse at school clinic.
Dahil dito, tinutulan din ng grupo ang boluntaryong pagsusuot ng face mask sa mga eskwelahan.