May pasok na ang ilang Filipino-Chinese schools sa lungsod ng Maynila.
Ito ay makaraang mag-suspinde ng klase sa loob ng halos dalawang linggo ang mga naturang paaralan dahil sa banta ng 2019 novel coronavirus-Acute Respiratory Disease o nCoV-ARD.
Sa anunsyo ng Hope Christian High School (Tondo) at Tiong Se Academy (Binondo), balik-eskwela na ang mga estudyante sa lahat ng antas ngayong Lunes (February 10).
Ang St. Stephen’s High School (Tondo), sinabi ring may pasok na ngayong araw at ang lahat ay inoobliga na i-fill out ang Health Declaration Form bago pumasok sa paaralan.
Sa Chiang Kai Shek College (Tondo), may pasok na muli sa kolehiyo ngayong Lunes pero ang senior high school at junior high school nila ay sa February 12 o Miyerkules pa babalik ang klase at sa February 17 o sa susunod na Lunes naman ang pagbabalik-klase ng mga estudyante sa grade school at pre-school.
Ang Philippine Cultural College (Tondo), inanunsyo na may pasok na ngayong araw ang senior high school. Ang junior high school naman nila ay bukas ang resumption ng klase at sa February 12 ang pagbabalik-klase ng mga nasa grade school, habang sa February 17 o sa susunod na Lunes pa ang pasok ng kinder.
Sa Saint Jude Catholic School (San Miguel), may pasok na ang mga estudyante ng early childhood department, junior high school at pre-university programs gaya ng senior high school at International Baccalaureate Diploma Programme.
Ngunit, nananatiling suspendido ang klase sa elementary department pero magre-resume din naman bukas, February 11.
Samantala, sa Uno High School (Tondo) ay wala pa rin pasok ang mga estudyante at inaabisuhan ang mga miyembro ng kanilang komunidad na maghintay na lamang ng anunsyo.
Ang mga nabanggit na Filipino-Chinese schools ay patuloy na nananawagan sa kanilang mga estudyante, mga guro at school personnel na sumunod sa precautionary measures na inilatag laban sa nCoV-ARD, gaya ng temperature check habang pinapayuhan din ang lahat na magsuot ng face mask, surgical man o N95.