Aminado ang Department of Health (DOH) na may ilang ospital at freestanding dialysis center sa Metro Manila ang hindi na muna tumatanggap ng mga pasyenteng may COVID-19.
Sa harap ito ng mga ulat na tumaas ang bilang ng mga namamatay na pasyenteng may kidney problems matapos na tamaan din ng virus.
Batay pa sa pag-aaral ng University of the Philippines noong 2020, kung kailan pumutok ang COVID-19 pandemic sa bansa, isang Pilipino ang namamatay sa kidney failure kada 60 minuto.
Paliwanag ni Health Undersecretary at Treatment Czar Leopoldo Vega, marami rin kasi sa mga healthcare workers ang tinatamaan ng COVID-19 kaya apektado ang operasyon ng mga ospital.
Dahil din dito, may mga kidney disease patients ang hindi makapagpa-dialysis.
May mga ospital din aniya ang wala nang pondo pambili ng mga personal protective equipment (PPE) dahil nagkakaproblema na rin sa PhilHealth reimbursement.
“Nag-meeting kami sa PhilHealth tungkol dito dahil ito yung isa sa mga root cause nung pag-deny o non-acceptance ng mga COVID positive patients na hina-handle po ng dialysis,” ani Vega sa interview ng RMN Manila.
“Ang ginagawa namin ngayon sa One Hospital Command, meron kaming dashboard nung mga ospital na nag-a-accept ng mga positive COVID for dialysis at saka doon namin sila nire-refer at kino-coordinate po. Tawag lang po sila kung saan sila papupuntahin so that mabigyan sila ng serbisyo sa dialysis,” dagdag niya.