
Halos limitado o kakaunti na lamang ang suplay ng produktong petrolyo na ibinebenta ng ilang gasoline station dito sa Maynila.
Ito ay bunsod ng sunod-sunod na araw na pagdagsa ng mga motorista na nagpapakarga ng kani-kanilang sasakyan.
Ang ilan sa mga gasolinahan ay wala nang maibentang diesel o krudo kaya bago pumasok ang mga sasakyang magpapakarga ay inaabisuhan na ang mga driver.
May ilan namang gasolinahan na kalahati lamang ng kanilang establisimyento ang bukas, ngunit sapat pa ang suplay ng produktong petrolyo.
Mayroon ding mga gasolinahan na fully operational ngunit halos wala namang customer.
Ang ilan namang gasolinahan ay sarado, hindi dahil sa kakulangan ng suplay kundi naka-schedule talaga ang kanilang pagsasara tuwing weekend.
Samantala, ang presyo ng diesel o krudo ay pumapalo sa pagitan ng ₱60.49 hanggang ₱61.99, habang ang special diesel naman ay nasa ₱63.49 hanggang ₱69.99.
Ang mga unleaded gasoline naman ay nasa ₱59.80 hanggang ₱61.15, habang ang mga special gasoline ay nasa ₱61.29, ₱68.84, at ₱70.55, kung saan ang mga nasabing presyo ay pasok pa rin sa pamantayan ng Department of Energy (DOE).










