Pinalagan ng ilang miyembro ng academic institution at grupo ang hakbang ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na itigil ang pamamahagi ng ilang libro na naglalaman umano ng konteksto na tumutuligsa sa gobyerno.
Sinabi ng grupong Tanggol Wika sa isang pahayag, hindi dapat magpatuloy pa ang naturang implementasyon ng KWF sa kabila ng kakulangan sa librong nasa wikang Filipino.
Dagdag pa nito, bahagi ng academic freedom ng mga manunulat, guro, mananaliksik at ng publiko ang pagbabasa, pagsusuri, pagsipat, pag-cite, pagsangguni at paggamit sa kahit anong babasahin, sinuman ang sumulat at sinuman ang naglathala.
Itinuturing naman ng Department of Humanities ng University of the Philippines – Los Baños na isang uri ng censorship ang naturang hakbang at isang malinaw na pag-atake sa pagpapaunlad ng araling Filipino.
Idinaan naman sa social media ni dating Leyte-Samar KWF commissioner Jerry Gracio ang pagpalag sa hakbang ng komisyon kung saan naghuhudyat ito ng kamatayan ng scholarship o pagtuto sa mas mataas na lebel sa bansa.
Mababatid na naglabas ng isang internal memorandum ang KWF noong August 9 hinggil sa pagtigil ng mga kawani nito sa pamamahagi ng ilang librong naglalaman ng di umano’y “anti-government” text.