Bilang pagpapakita ng suporta, nagtipon-tipon ang iba’t-ibang Muslim Religous Leaders sa buong bansa at mga dating miyembro ng Blue Mosque and Cultural Center o BMCC sa Makarlika Village, Taguig City para kondenahin ang malisyoso at maling akusasyon laban kay dating BMCC Administrator Jadjurie Arasa.
Sa ginawang media briefing sa Maynila, pumirma ng manifesto ang mga muslim leader at dating BMCC members kung saan iginigiit nila na pawang gawa-gawa lamang nina NCMF Secretary Saidamen Balt Pangarungan at NCMF Director Dato Ramos ang mga akusasyon.
Ipinunto nila na walang katotohanan na gumagamit at may mga itinatagong suplay ng iligal na droga sa loob ng Blue Mosque.
Itinatanggi din nila ang naging pahayag ni Secretary Pangarungan na inatasan niya si Arasa na gumawa ng paraan para pigilan ang pagkalat ng iligal na droga na karaniwang mga bata o kabataan ang nasasangkot gayung wala naman ganitong isyu sa loob ng Mosque.
Wala din daw katotohanan ang sinabi ni Pangarungan na nakiusap sa kaniya si Governor Sakur Tan na panatilihin sa pwesto si Arasa dahil alam daw ng BMCC opisyal na matatapos na ang kaniyang termino.
Hindi din naghahangad ng anumang pwesto si Arasa kung saan hangad ng mga dating miyembro ng BMCC at ng mga Muslim Tribe Leaders na mapansin ang nasabing isyu ng mga kinauukulan.