Nagsagawa ng kilos-protesta ang ilang grupo ng mga Pilipino sa Times Square sa New York City kasabay ng inagurasyon kaninang umaga ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ipinakita ng ilang grupo ng mga Pinoy ang kanilang pagtutol sa bagong administrasyon nina President Marcos Jr., at Vice Presidente Sara Duterte-Carpio.
Panawagan din nila ang “justice at accountability” para sa sambayanang Pilipino.
Imposible anila ang pangakong ‘Bagong Pilipinas’ ng mga ito dahil hindi naman daw nabigyan ng hustisya ang mga Pilipinong biktima ng martial law noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., at ng extrajudicial killings ng kabababa lang sa pwesto na si Pangulong Rodrigo Duterte.
Nanguna sa isinagawang kilos-protesta ang Northeast Coalition to Advance Genuine Democracy in the Philippines na kinabibilangan ng Gabriela New York, Bayan USA, Damayan Migrant Workers Association at Malaya Movement.
Sumama rin sa mga nag-rally ang ilang biktima ng martial law.
Pagbabanta rin nila na simula pa lang ito ng kanilang mas malawak na pakikibaka para ipakita ang pagtutol sa gobyerno nina Marcos-Duterte.
Kaninang tanghali ay pormal nang nanumpa si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang ika-17 pangulo ng Republika ng Pilipinas.