Naniniwala ang Confideration of Truckers Association of the Philippines (CTAP) sa programa ng Philippine Ports Authority (PPA) na makatutulong para mapababa ang mga fee na binabayaran ng mga trucker ang pagpapatupad ng bagong sistema o ang Trusted Operator Program-Container Registry and Monitoring System (TOP-CRMS).
Sa Balitaan sa Tinapayan, sinabi ni CTAP President Mary Zapata na ang magiging insurance para sa container deposit ay hindi pabigat sa kanila keysa P10,000 hanggang P30,000 na ilalagak sa shipping line.
Aniya, pabor ang CTAP sa nakaambang pagpapatupad ng bagong monitoring system ng PPA.
Sa ilalim ng monitoring system, aalisin ang container deposit fee na P10,000 hanggang P30,000 at sa halip, sisingilin ng PPA ang flat rate na P980 na insurance bawat container.
Ayon naman kay Teddy Gervacio, ang Chairman at Presidente ng Inland Haulers and Truckers Association (INHTA), na isa sa tutol sa implimentasyon ng sistema na hindi mandato ng PPA na i-regulate ang shipping lines.
Giit ni Gervacio, walang assurance na irerespeto ng shipping lines ang TOP-CRMS.
Hindi rin daw masasagot ng TOP-CRMS ang container imbalance dahil naka-focus lamang ito sa container deposit at kahit ang detention ng container van.
Binigyan diin pa ni Gervacio na walang malinaw na polisiya ang bagong sistema at hindi rin daw ito solusyon sa dekada nang problema upang mapababa ang logistics sa Pilipinas kundi ito ay dagdag gastos.
Hiling ni Garvacio, upuan at pag-usapan pa ito dahil marami pang nakikitang problema.
Ayon naman kay Zapata, magkakaroon ng public consultation ang lahat ng stakeholders ngayong Biyernes ng hapon upang pag-usapan pa ang iba pang isyu.