Sumugod sa tanggapan ng Commission on Elections sa Intramuros, Maynila ang ilang grupo kaninang umaga.
Nagsama-sama ang grupo ng mga kabataan, mga pari at ilan militante sa sa harapan mismo ng COMELEC Headquarters upang ipahayag ang pagkadismaya at pagkondena sa resulta ng 2022 national elections.
Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni Manila Police District Director BGen. Leo Francisco, nasa mahigit 400 kabataan at iba pang grupo ang sumugod sa tanggapan ng COMELEC kaninang umaga.
Sinabi ni Francisco na agad naman naitaboy ang mga nagkilos protesta patungong Liwasang Bonifacio.
Sinabi ni Kontra Daya Convenor Danilo Arao na patuloy ang kanilang pagkondena sa mga kapalpakan ng poll body nitong katatapos na halalan.
Giit ni Arao, tuluyan nang nawala ang tiwala ng taongbayan sa sistema ng eleksyon dahil sa mga nangyaring dayaan, mishandling at kawalan ng transparency ng COMELEC at Smartmatic.
Hinamon naman ng COMELEC ang mga nagkikilos protesta na maglabas ng ebidensya na nagkaroon ng dayaan ang katatapos lamang na 2022 election.