Ilang health frontliners na apektado ng GCQ, humihingi ng tulong sa Manila LGU

Umaapela ng tulong ang walong staff nurse sa Manila Doctors Hospital kay Mayor Francisco “Isko” Moreno hinggil sa napipintong pagpapaalis sa kanila sa Bayview Park Hotel, Manila na pansamantala nilang tinutuluyan.

Kabilang sa mga ito ay sina Patrick John Bautista, Angelu Trinidad, Mariechu Manzanilla, Tracia Rose Sacendoncillo, Romelyn Mangubat, Christine Roazol, Faye Vergara at Jane Rizel Reynado.

Sa kanilang liham, pinasalamatan ng walong nurse ang akomodasyon na ibinigay ng pamahalaang lungsod upang sila ay mabigyan ng pansamantalang matutuluyan nang ideklara ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila dulot ng COVID-19.


Ngayong pinaiiral na ang General Community Quarantine (GCQ) at nasa full implementation na ang mga negosyo katulad ng hotels, ay inaasahang maaapektuhan din ang pananatili nila kaya’t nangangailangang lumipat na sila sa ibang lugar.

Iginiit pa ng walong health frontliners na sa panahon ng GCQ ay limitado pa rin ang transportasyon kaya pakiusap nila kay Mayor Isko na mapalawig pa ang panahon ng pananatili nila sa nabanggit na hotel hanggang sa maging convenient at available na ang mga pampublikong sasakyan.

Facebook Comments