Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., na karamihan sa high ranking PNP officials na dawit umano sa kalakaran ng ilegal na droga sa bansa ay nakapaghain na ng kanilang courtesy resignations.
Ayon kay Azurin, sa ngayon ay nasa 941 o katumbas ng 98.74% mula sa kabuuang 953 mga koronel at heneral ang nakapaghain na ng kanilang courtesy resignation.
10 na lamang ang hindi pa nakakapaghain dahil karamihan sa mga ito ay paretiro na sa mga susunod na araw at buwan.
Una nang sinabi ng PNP chief na nasa 10 mga high ranking PNP official ang involved sa illegal drug trade ang sentro ng imbestigasyon.
Nabatid na hanggang bukas na lamang, January 31, 2023 ang deadline sa paghahain ng courtesy resignation.
Ani Azurin, inaasahang papangalanan din ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang mga miyembro ng five-man committee kasama si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na sasala sa courtesy resignation ng mga 3rd level officer ng PNP.
Pagkatapos nito, dadaan ito sa verification ng NAPOLCOM bago tuluyang ipasa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para sa kanyang approval kung sino-sino sa mga opisyal ng PNP ang tuluyang matatanggal sa serbisyo dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga sa bansa.