Maagang nagpunta sa sangay ng Landbank sa Quezon Ave. sa Quezon City ang ilang driver at operator para i-withdraw ang kanilang fuel subsidy.
Ngayong araw kasi ang unang araw sa pamamahagi ng fuel subsidy na ipinangako ng Department of Transportation na ₱6,500.
Ito ay gagamitin nila panggastos para pandagdag sa gasolina ngayong walang patid ang bigtime oil price hike.
Alas-9:00 na ng umaga pero ang problema ay wala pang pumapasok na pera sa kanilang ATM kaya wala silang na-withdraw,
Ayon kay Ka Obet Martin ng Pasang Masda, hanggang mamaya ay maghihintay sila pero kapag wala pa rin bukas ay itatawag na nila ito sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para ipaalam ang sitwasyon.
Dagdag pa nila, dapat mabilis na ipamahagi ang subsidiya dahil gutom na ang mga driver kung saan umaasa na hindi na maulit ang nakaraang karanasan na sobrang bagal ng pamamahagi at maliit na porsyento lang sa kanilang hanay ang nabiyayaan.