Hindi magpapatinag ang ilang jeepney drivers at papasada pa rin kahit nagbabala na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na huhuliin na ang mga ito pagsapit ng Pebrero 1.
Sa panayam ng RMN Manila sa Presidente at operator ng Mabini, Divisoria, Baclaran, Jeepney Operators Drivers Association (MDIBAJODA) sa ilalim ng pamumuno ng grupong PISTON maghahanap daw ang mga ito ng timing para hindi mahuli sa kalsada.
Ayon sa Presidente at operator na si Eddie Buella, kapag hinuli naman sila ay hihingian nila ng dokumento kung ligal ang kanilang operasyon at talagang hindi na sila puwede pang pumasada.
Pero sakaling ligal ang paghuli sa kanila ay wala na silang magagawa kundi sumunod sa pamahalaan.
Samantala, bukas naman daw sila na sumama sa mga kooperatiba sakaling kunin silang driver.
Kahapon inihayag ng ilang grupo ng transportasyon gaya ng Liga ng Transportasyon at Operators ng Pilipinas (LTOP) na nakapag-consolidate na ng kanilang prangkisa na handa silang tulungan ang mga driver na mawawalan ng trababaho.