Umaalma na ang ilang mga may-ari ng karinderya sa lungsod ng Maynila sa patuloy na pagtaas ng presyo ng liquified petroleum gas (LPG).
Matatandaan na tumaas ng P7.95 kada kilo o katumbas ng P87.45 kada standard 11-kilo cylinder ang halaga ng LPG ngayong araw.
Dahil dito, doble pahirap ang nararanasan ng mga may-ari ng karinderya lalo na’t tumataas na rin ang presyo ng mga bilihin tulad ng gulay, isda, manok, baboy at baka bukod pa sa mataas na halaga ng mga rekado.
Ayon kay Len Abellano, isa mga may-ari ng karinderya, inaasahan nila na mababawasan na ang kanilang kita dahil na rin sa patuloy ng pagtaas ng halos lahat ng kanilang kakailanganin sa karinderya.
Napag-alaman na karamihan sa mga may karinderya sa Kalaw at Intramuros ay gumagamit ng dalawang LPG para mayroon silang reserba.
Matatandaan na sa datos ng Department of Energy (DOE), umabot ng P794 hanggang P1054 ang halaga ng kada 11-kilogram cylinder sa Metro Manila mula February 1 at ang common price nito ay dapat nasa P976.00 lamang kung saan ang datos ay mula February 2 hanggang 10 base na rin sa kanilang monitoring report.
Mula January hanggang February, nagtaas ang presyo ng LPG ng hanggang P4 .00 kada kilo para sa isang standard 11-kilo cylinder.
Nabatid na nagsimulang tumaas ang presyo ng mga gasolina at LPG bunsod na rin ng epekto ng galaw sa international market nitong nakaraang araw.