Ilang kolehiyo sa lungsod ng Maynila ang nag-anunsyo na magpapatupad muna sila ng “online class modality” at “alternative work arrangement scheme.”
Ito bilang pag-iingat sa muling pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19.
Kabilang sa mga nag-anunsyo ay ang Technological University of the Philippines o TUP-Manila, na nag-abisong paiiralin nila ang online class modality at alternative work arrangement hanggang May 15, 2023.
Isa sa mga rason ay ang nakita pagtaas ng bilang ng mga estudyante na nagpositibo sa COVID-19 mula noong April 18 hanggang 28.
Nabatid na nauna na silang nag-adjust ng paraan ng klase noong buwan ng Abril.
Samantala sa abiso naman ng Lyceum of the Philippines University, ang face-to-face classes ay may apat na shifted sa online modality para bigyang-daan ang disinfection ng lahat ng mga classroom at opisina.
Ang trabaho naman ng mga empleyado ay “remote” muna, maliban sa tanggapan ng Registrar, Finance, Communication and Public Affairs Department and Information and Communication Technology.
Magbabalik naman ang face-to-face classes at onsite work ng Lyceum sa May 5, 2023.
Sa pahayag ng Lyceum Manila Campus, ang hakbang nila ay bilang precautionary measure laban sa COVID-19.
Matatandaan na nauna nang nag-anunsyo ang Adamson University na online muna ang klase sa lahat ng antas sa kanilang unibersidad hanggang May 6, bilang pag-iingat na rin sa COVID-19 na unti-unting tumataas sa Maynila.