Pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangalan ng siyam na kasalukuyan at dating mambabatas na sangkot sa maanomalyang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang listahan ng mga pangalan ay ibinigay sa Pangulo ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na nagkasa ng imbestigasyon hinggil sa sinasabing korapsyon sa DPWH.
Sa kanyang Talk to the Nation Address, nilinaw ni Pangulong Duterte na ang pagkakasama ng kanilang pangalan sa listahan ng PACC ay hindi nangangahulugang kakasuhan o kokondenahin na.
Binanggit ng Pangulo ang presumption of innocence hanggang sa mapatunayang guilty.
Kabilang sa mga binitawang pangalan ng Pangulo ay sina: Occidental Mindoro Rep. Josephine Sato; former Ifugao Rep. Teddy Baguilat Jr.; Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas; Misamis Occidental 2nd District Rep. Henry Oaminal; Isabela 4th District Rep. Alyssa Tan; Northern Samar 1st District Rep. Paul Daza; Quezon 4th District Rep. Angelina Tan; ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap; at Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman.
Iginiit din ng Pangulo na hindi siya nakikipag-away sa mga mambabatas pero bahagi lamang ito ng kanyang anti-corruption campaign.
Sinabi ng Pangulo na may ilang district engineers ng DPWH ang sangkot sa mga iregularidad at pinasisibak niya ang mga ito sa kani-kanilang mga pwesto simula ngayong araw at inatasang mag-report kay DPWH Secretary Mark Villar.
Tiniyak ng Pangulo na gagawin niya ang kanyang sinumpaang tungkuling tiyaking ihahatid sa publiko ang mga impormasyon mula sa anumang ahensya ng gobyerno.