Labis na nanghihinayang pa rin si Albay Rep. Edcel Lagman sa aniya’y wala sa panahong pagpanaw ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Bilang pagkilala sa liderato nito, inisa-isa ni Lagman ang mahahalagang batas na naaprubahan noong PNoy administration.
Kabilang dito ang “Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012” na makasaysayan aniya dahil inabot ng 13 taon bago tuluyang naisabatas.
Ang “Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012” na ipinasa rin sa panahon ni PNoy na naging modelong batas aniya sa Asia Pacific region.
Binanggit din ng kongresista ang “Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013” na kumikilala sa kabayanihan ng mga biktima ng karapatang-pantao noong Martial Law.
Gayundin ang “Centenarians Act of 2016” na nagbibigay ng dagdag na mga benepisyo at pribilehiyo sa mga Pilipinong centenarians.
Ayon kay Lagman, isinantabi ni dating Pangulong Aquino ang partisanship sa pag-endorso sa nasabing mga batas kahit pa ang may-akda ng mga ito ay miyembro ng oposisyon.