Pinatatapatan ng sapat na ayuda ang pagpapatupad na naman ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) na magsisimula sa Agosto 6 hanggang 20 dahil pa rin sa banta ng Delta variant.
“Kung ‘circuit breaking’ ang hard lockdown para makaagapay ang ating sistemang pangkalusugan sa badya ng Delta variant ng COVID-19, kailangan itong tapatan ng gobyerno ng mga hakbang para maisawan ang ‘blackout’ ng mga Pilipinong patuloy na naghihirap at ang health system natin na patuloy na naghihingalo—kagyat na ayuda at agresibong pagpapaunlad ng health system ng bansa. Kung walang ganito, puro sa mamamayan na naman ibabagsak ang pasanin ng pandemya,” ayon kay ACT Teachers Rep. France Castro.
Sa kabila na hindi pa rin sigurado ang pamahalaan sa ibibigay na ayuda sa mga maaapektuhan ng ECQ, iginiit pa rin ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na marapat lamang na may kaakibat na sapat na ayuda ang pagdedeklara ng ECQ at sabayan ng pinaunlad na sistemang pangkalusugan.
Sinabi ni Castro na kung wala ang mga ito ay tiyak na mamamayan nanaman ang papasan sa mabigat na epekto ng pandemya.
Samantala, umapela naman si Bayan Muna Partylist Rep. Ferdinand Gaite ng pagpapabuti sa pandemic response sa halip na enhanced lockdowns.
“The earlier lockdowns were supposed to be used to give us some respite and to implement needed medical interventions to curb the spread of the virus. But what happened? Testing rates went down, we still lack the capacity to do genomic surveillance, our health care system remain inadequate, the vaccine roll-out continues to be sluggish. Sablay talaga,” ayon kay Gaite.
Aniya, inanunsyo nang maaga ang lockdown sa NCR para makapaghanda ang mga tao ngunit ang kinakailangang medical interventions para labanan at maiwasan ang pagkalat ng virus ay hindi naman maisakatuparan ng gobyerno.
Ikinumpara pa ni Gaite ang mga nakatalaga sa Inter-Agency Task Force (IATF) sa isang face shield na aniya’y akala mo may silbi ngunit wala naman talaga.
Ang higit aniyang kailangan ngayon ng bansa ay pinahusay na pagtugon sa pandemya at hindi ang paikot-ikot lamang na quarantine classification.