Idadaan ng mga MAKABAYAN Congressmen ang kanilang panawagan kay Pangulong Duterte sa kanilang mga susuotin sa ika-apat na SONA ng Presidente.
Isang barong-handpainted ang isusuot ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na likha ni Karapatan legal Counsel Atty. Ma Sol Taule.
Nakapinta sa barong ang karagatan ng West Philippine Sea na may barko ng China at bangka naman ng mga mangingisdang Pilipino.
Sumisimbolo ang handpainted barong na ito sa paglaban sa soberenya ng bansa at sa karapatan nating mga Pilipino sa ating exclusive economic zone (EEZ).
Ipinakita din ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite ang sketch ng kanyang barong sa SONA na may guhit na kamay na may hawak na martilyo kung saan ay may nakalagay P750 minimum wage habang pinupukpok ang ENDO.
Ito aniya ay simbolo sa matagal nang panawagan ng MAKABAYAN sa dagdag na sahod para sa mga ordinaryong manggagawa at empleyado gayundin ang pagwawakas sa kultura ng ENDO.
Giit ng mga mambabatas, panahon na para makinig si Pangulong Duterte sa mga panawagan ng publiko lalo na ang mga mahihirap.
Inaasahan na tatalakayin ng Pangulo ang mga isyung malapit sa sikmura ng mga Pilipino tulad ng dagdag na sahod, presyo ng mga pangunahing bilihin, trabaho at iba pang isyu sa bansa.