Ilang kongresista, nagpahayag ng suporta at agad na pagapruba sa mga panukala na isinusulong ni Pangulong Duterte

Courtesy: pcoo.gov.ph

Tiniyak ng mga kongresista ang pagsuporta sa priority measures ni Pangulong Rodrigo Duterte na nabanggit nito sa kanyang State of the Nation Address (SONA).

Ayon kay Committee on Public Works and Highways Senior Vice-Chairman at CWS Partylist Rep. Romeo Momo, patuloy silang makikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno upang maitaas ang local construction sector gayundin ang buhay ng construction workers.

Kasabay ito ng pahayag ni Pangulong Duterte na paigtingin pa ang Build, Build, Build Program para sa pagpapalago ng ekonomiya at paglikha ng mas maraming trabaho.


Sinabi naman ni Committee on Agriculture Chairman at Quezon Rep. Mark Enverga na nakatakdang aprubahan ng kanyang komite ang substitute bill para sa coconut levy fund matapos na ipag-utos ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA ang agarang paggamit nito para sa kapakanan ng coconut farmers.

Tiniyak din ni Committee on Trade and Industry Chairman at Valenzuela Rep. Wes Gatchalian ang mabilis na pagapruba sa Internet Transaction Act na layong protektahan ang consumers gayundin ang mga Micro-Small and Medium Enterprises (MSMEs).

Napapanahon aniya na nabanggit ito ng Pangulo sa kanyang SONA ngayong karamihan ay lumipat na sa e-commerce kaya marapat lamang na ma-regulate at mabigyang proteksyon ang consumers at mga negosyante laban sa mga posibleng magsamantala rito.

Facebook Comments