Naniniwala ang ilang kongresista na nagkaroon ng failure of elections partikular sa partylist groups sa katatapos na 2019 midterm election.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Public Accounts kaugnay sa audit observations sa suppliers at contractors ng automated polls, ipinresenta ng Comelec ang archive o kopya ng ginamit na balota noong 2010, 2013, 2016 at 2019 elections.
Nadiskubre na nito lamang 2019 inilagay sa likod ng mga balota ang party-list groups dahil nais ng Comelec na i-optimize o paiksiin ang ballot paper para makatipid.
Pero hindi ito tinanggap ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin at iginiit na dahil sa kagustuhang maging masinop ay nakompromiso naman ang bilang ng mga botante na gustong pumili ng party-list.
Maraming botante ang hindi nakaboto sa pag-aakalang wala ng kasunod na iboboto kaya naman mula sa 63 milyong rehistrado ay 27 milyon lamang aniya ang nakaboto sa partylists.
Depensa naman ni Commissioner Marlon Casquejo, nakapagdesisyon na ang En Banc hinggil sa optimization ng ballot paper bago pa malaman ang kabuuang bilang ng kandidato sa pagkasenador at party-list groups dahil tinutukoy pa ang mga ididiskwalipika sa halalan.