Ilang kongresista, naniniwalang kailangan ni VP Sara ng psychological evaluation

Sa tingin nina House Assistant Majority Leader Representative Jay Khonghun ng Zambales 1st District at Representative Paolo Ortega V ng La Union 1st District ay dapat ng sumailalim sa psychological evaluation si Vice President Sara Duterte.

Sinabi ito nina Khonghun at Ortega, kasunod ng pahayag ni VP Duterte sa isang pulong balitaan na kanyang na-imagine na pinuputol ang ulo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Tinukoy rin ng dalawang mambabatas ang banta ni VP Sara na huhukayin niya ang labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., sa libingan ng mga bayani at itatapon sa West Philippine Sea (WPS).


Para kay Khonghun, nakakabahala ang nabanggit na mga pahayag ng isang mataas na opisyal ng bansa.

Binigyang-diin naman ni Ortega na ang ganitong uri ng marahas at nakakatakot na mga pahayag ay hindi katanggap-tanggap mula sa kahit sino, lalo na sa isang nakaupong bise presidente.

Facebook Comments