Ilang kongresista, pumalag sa inihaing quo warranto petition laban sa ABS-CBN; SOLGEN, umabuso umano sa kapangyarihan

Umalma ang ilang mga mambabatas sa ginawa ng Solicitor General (SOLGEN) na paghahain ng quo warranto laban sa prangkisa ng ABSCBN.

Ayon kay House Committee on Constitutional Amendments Chairman Rufus Rodriguez, tanging ang Kongreso lamang ang may karapatan na mag-bigay, mag-kansela at mag-renew ng franchise ng isang public utility tulad ng media network.

Ang ginawa aniyang paghahain ng quo warranto ni Solicitor General Jose Calida ay pag-atake sa freedom of the press at pag-labag sa separation of powers sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan.


Sinabi ni House Deputy Speaker Johnny Pimentel na nagkaroon ng usurpation sa kapangyarihan ang SolGen sa Mababang Kapulungan lalo’t hindi pa naman nadidinig ang mga panukalang nakahain patungkol sa franchise renewal ng ABS-CBN.

Naniniwala naman si Oriental Mindoro Representative Doy Leachon na siyang may akda ng House Bill 5608 para sa franchise renewal, dapat pa ring dinggin ng Committee on Legislative Franchise ang mga panukala kahit wala pang desisyon ang Korte Suprema sa petisyon ng SolGen.

Umaasa naman ang mga mambabatas na kikilalanin ng Korte Supreme ang kapangyarihan ng Kamara at kumpyansang maibabasura rin ito ng korte.

Facebook Comments