Binatikos ng ilang mga kongresista ang umano’y political harassment laban kay Pasig Mayor Vico Sotto.
Ito ay matapos padalhan ng NBI ng subpoena ang Alkalde para maimbestigahan dahil sa paglabag nito sa quarantine guidelines.
Ayon kina Bayan Muna Reps. Carlos Zarate at Ferdinand Gaite, halata namang hina-harass ng NBI ang mga indibidwal na tumutulong ngayon sa gitna ng COVID-19 crisis gayundin ang mga nagsasabi ng sentimyento sa gobyerno tulad ng ginawa ni Mayor Vico.
Sinabi ng mga mambabatas na naging epektibo ang pagtugon ng lungsod sa Enhanced Community Quarantine habang nalantad naman ang patong-patong na kapalpakan ng gobyerno.
Naniniwala ang mga progresibong mambabatas na layunin lamang ng imbestigasyon kay Mayor Vico na hilain pababa ang isang outstanding official na epektibo ang pamamaraan sa kanyang nasasakupan.
Malinaw din anilang walang naging paglabag sa Bayanihan Act ang Alkalde ng Pasig dahil agad naman itong tumugon sa batas nang mapirmahan na ni Pangulong Duterte ang RA 11469.
Dagdag naman ni ACT-CIS Rep. Jocelyn Tulfo na tiyak na mababasura at magsasayang lamang ng oras ang NBI sa pagiimbestiga kay Mayor Sotto na ang naging focus lamang ay public service at unahin ang kapakanan ng mga constituents.