Hiniling ni House Senior Deputy Minority Leader Lito Atienza sa Malaysian government na ibaba ang parusang kamatayan na ipinataw laban sa 48 Overseas Filipino Workers (OFW).
Inirekomenda ni Atienza na maaari pa rin naman silang parusahan sa pamamagitan ng mahigpit na prison terms.
Hindi naman aniya nangangahulugan na kapag na-downgrade ang death sentence ay hindi na paparusahan ang migrant workers.
Unang iniulat ng Department of Foreign Affairs na mayroong apatnapu’t walong OFWs na nasa death row sa Malaysia dahil sa labing-isang kaso.
Sa kasalukuyan ay walang magawa ang Malaysian judges kundi ipatupad ang death penalty sa mga kasong tulad ng terorismo, murder, rape resulting in murder at drug trafficking pero pansamantala itong ipinatigil dahil sa nakabinbing panukalang batas.
Noong nakaraang taon ay isinulong ng Pakatan Harapan o Alliance of Hope Coalition Government na i-review ang death penalty sa Malaysia upang bigyan ng option ang mga huwes kung parusang bitay o long-term imprisonment ang ipapataw sa mga kriminal.