Ilang kongresista, umapela sa LTFRB na payagang bumyahe ang mga traditional buses sa EDSA Busway

Hiniling ng ilang kongresista sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na payagan na muna ang pagpasada ng mga traditional buses sa EDSA Busway.

Ito ang nakikitang solusyon ng ilang mambabatas dahil nahihirapan na rin ang mga commuters sa kakaunti lamang na bumabyahe na public transportation.

Sa pagdinig ng Committee on Transportation, inamin ng Mega Manila Consortium na sa 500 na bus units na binigyan ng permit para tumakbo sa EDSA Busway, mas mababa pa sa 400 units ang tumatakbo dahil hindi makasunod sa requirement na “low floor bus.”


Mungkahi naman ni Quezon City Rep. Jesus “Bong” Suntay, magpatupad muna ng 70-30 formula o kung sa bawat 7 low-entry buses, ay payagang makabyahe ang 3 sa traditional bus.

Pero, pinagtatakda rin ng panahon kung hanggang kailan lang dapat payagan ang traditional bus dahil kailangan din itong mapalitan na ng mga low-entry buses.

Tiniyak naman ni LTFRB Chairman Martin Delgra na pinag-aaralan na ng ahensya ang pagkakaroon ng dagdag na bus para maserbisyuhan nang maayos ang mga pasahero.

Noong June 14, naitala ang highest ridership ng EDSA busway sa 182,000 commuters habang pumapalo na rin sa 160,000 ang average ridership ng EDSA Busway.

Facebook Comments