Manila, Philippines – Mahigpit na kritiko man ng Pangulong Duterte sa Mababang Kapulungan, pinuri ng ilang miyembro ng Magnificent 7 sa pambihirang pagkakataon ang ilang mga nagawa ng Presidente sa isang taon nitong panunungkulan sa bansa.
Ayon kay Ifugao Rep. Teddy Baguilat, kinikilala naman nila sa oposisyon ang mga positibong nagawa ng Pangulo sa loob ng isang taon.
Ilan sa mga kinilalang kapuri-puring ginawa ng Pangulo ay ang pagpapatibay ng diplomatic at economic ties ng Pilipinas sa mga bansang China at Russia, ang pagpupursige sa usaping pangkapayapaan, at ang economic agenda kung saan ipagpapatuloy ang mga magagandang proyekto ng nakaraang administrasyon para sa mabilis na paglago ng ekonomiya.
Pero, sa kabila ng papuri ay binigyan ni Baguilat ng 4 out of 10 na grado ang Pangulo dahil marami pa itong aspeto na dapat pang ayusin para mas lalong maitaas ang performance nito.
Bukod sa maraming kaso ng pagpatay dahil sa war on drugs ng administrasyon, hindi pa rin natatapos ang problema sa droga at malalang krimen sa bansa.