Naniniwala ang grupong Nagkaisa Labor Coalition na hindi kinakailangan pa o napapanahon na palitan ang ating Konstitusyon sa gitna na rin ng nararanasan nating pandemya sa bansa.
Ayon kay Nagkaisa Labor Coalition Chairperson Atty. Sonny Matula, wala siyang nakikitang katwiran o mamadaliin ang Charter Change o amyendahan ang Saligang Batas para lamang akitin ang foreign direct investment (FDI) sa pamamagitan ng pagkakaroon ng lupa.
Paliwanag ni Atty. Matula, ang ibang bansa gaya ng China, Vietnam at Singapore ay nakasungkit ng bulto-bultong FDI sa Asya sa mga nakalipas na dekada na hindi pinahihintulutan na magkaroon ng sariling lupa sa mga dayuhang negosyante.
Dagdag pa ni Atty. Matula, ilang mga mambabatas ay hindi nauunawaan ang tunay na dahilan kung bakit nila tinututulan ang pag-aamyenda sa ilang probisyon sa ating Konstitusyon, hindi sa paglilimita sa pagmamay-ari ng mga dayuhan ng lupain at bahagi sa isang negosyo at korporasyon pero pagbabawalan na pagkakaroon ng Red Tape, korapsyon, kawalan ng imprastraktura at mataas ang singil sa kuryente.
Giit pa ni Atty. Matula, ang mga naiuulat na mga extra judicial killings at talamak na mga pagpaslang at paglabag sa trade union at human rights ay malalagay sa balag ng alanganin at posibleng mawalan pa tayo ng EU market at mawalan na rin sila ng ganang maglagak ng negosyo sa ating bansa.
Naniniwala ang grupong Nagkaisa Labor Coalition na ang Trabaho, Ayuda ng Gobyerno, Gamot-Bakuna para sa mga Obrero (TANGGO) at pagbangon ng ekonomiya ang dapat atupagin ng Kongreso at hindi ang pagbabago ng Konstitusyon o Charter Change.