Nanawagan ang grupong Federation of Free Workers kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na napapanahon na para i-orient ang mga pulis sa usapin ng Agrarian Reform at Social Justice Law.
Ang panawagan ay kasunod ng pagbasura sa isinampang kasong malicious mischief laban sa 83 inarestong personalidad na mga nagbubungkal ng kanilang lupain sa Hacienda Tinang sa Concepcion, Tarlac kung saan malinaw umano sa batas na ang Department of Agrarian Reform (DAR) ang dapat na may hurisdiksyon sa usapin ng agrarian dispute at hindi ang regular court.
Ayon kay Federation of Free Workers President Atty. Sonny Matula, pinapurihan nila si Presiding Judge Antonio Pangan sa pagtalima sa batas at paghintulot sa mosyon upang ibasura ang kasong illegal assembly at malicious mischief laban sa mga magsasaka, aktibista at journalists.
Paliwanag ni Matula, napatunayan ng korte na walang ebidensiya na sampahan ng kriminal pero ang mga magsasaka at kanilang mga taga suporta ay nakakulong ng 3 araw kung saan ay napagkakaitan umano sila ng kanilang mga karapatan.
Iminungkahi ng grupong Federation of Free Workers sa bagong Marcos administration na dapat ay re-orient ang mga police at bigyan ng review ng DOJ prosecutors sa usapin ng agrarian reform at social justice upang maiwasan muli ang kahalintulad na insidente.