Nalagpasan ng ilang rehiyon sa bansa ang target nito na mabakunahan sa nagdaang National Vaccination days.
Ayon kay National Task Force (NTF) AGAINST COVID-19 at Vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr., nakakataba ng puso ang ginawang pagsusumikap ng lahat upang maitaas ang bilang ng mga bakunado sa bansa.
Kabilang sa mga binigyang pagkilala ng NTF ay ang Region 1, National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region, Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan (MIMAROPA), Cavite, Laguna, Batangas, Rizal (CALABRZON), Regions 2 at 5.
Samantala, ang Region 9, CARAGA, Regions 7, 3, 6 at 8 ay nalagpasan naman ang itinakda nilang 70% na target.
Ani Galvez, ang malawakang bakunahan ay ginagawa ng pamahalaan bilang paghahanda na rin sa Omicron variant.
Isama pa ang paghihigpit o border control, mas pinalakas na pandemic response at ang kooperasyon ng publiko sa pagsunod sa minimum health protocols ay tiyak na maaantala ang pagpasok sa bansa ng Omicron variant.
Kasunod nito, nangako si Galvez na hindi titigil ang pamahalaan hangga’t hindi naaabot ang 80% – 90% na fully vaccinated eligible population nang sa ganon ay makamit ang inaasam-asam na herd immunity at mawakasan na ang pandemya.