Nasa 150 Locally Stranded Individuals (LSI) ang nakahandang ihatid ng Philippine Coast Guard sa mga lalawigan partikular sa Davao at General Santos City.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commodore Armand Balilo, nasa Villamor Air Base Elementary School na ang ilang tauhan ng PCG para sunduin ang mga LSI’s kung saan sila pansamantalang nanatili.
Pero bago pasakayin sa mga bus ng PCG, makikipag-ugnayan muna ang mga personnel ng Coast Guard sa lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya para masigurong medically cleared na ang mga LSIs.
Ang BRP Gabriela Silang ang maghahatid sa mga LSI’s pauwi sa Mindanao kung saan kababalik lang din nito makaraang mag-deliver ng mga supply at medical equipment sa Visayas.
Nabatid na ang hakbang ng PCG ay bilang tulong na rin sa ilan nating kababayan na na-stranded sa National Capital Region nang ilang buwan matapos na ideklara ang community quarantine dahil sa COVID-19.
Ang BRP Gabriela Silang ang pinakabago at malaking barko ng PCG na dumating sa bansa noong Pebrero ngayong taon mula sa France.