Nasa walong kalalakihan na itinuturing na locally stranded individuals ang napauwi na ng Lokal na Pamahalaan ng Parañaque matapos ang ilang buwang pananatili sa lungsod.
Ito ay bunsod ng pinaiiral na patakaran sa ilalim ng community quarantine dahil sa banta ng COVID-19.
Ang nasabing hakbang ay sa pakikipagtulungan ng Parañaque Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) at Local School Board (LSB) sa Balik Happy Island Program ng LGU ng Catanduanes.
Ang walong stranded na kalalakihan ay mula sa Riverside, Barangay Dongalo, SM Warehouse sa Asinan, Barangay San Dionisio kung saan inihatid sila sa Bicol Irasog Station sa Cubao, Quezon City.
Lubos na nagpapasalamat ang City Government of Parañaque sa pangunguna ni Mayor Edwin Olivarez sa lahat ng ahensya na tuloy-tuloy na nakikipagtulungan upang siguruhin ang kaligtasan ng mga mamamayan sa kabila ng banta ng COVID-19.
Samantala, umaabot na sa 827 ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod kung saan 230 ang active cases, 50 ang nasawi at 547 ang gumaling mula sa sakit.