Ilang LSIs, muling nagdagsaan sa Andrews Avenue sa Pasay City

Muling nagdagsaan ang ilang mga Locally Stranded Individual (LSI) sa kahabaan ng Andrews Avenue sa Pasay City.

Ito’y dahil sa hindi sila agad naabisuhan hinggil sa kanselasyon ng kanilang mga biyahe sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Nabatid na karamihan sa kanila ay inihatid ng mga tauhan ng Pasay City Police Station sa Villamor Airbase Elementary School pero puno pa rin ito ng ibang mga LSI.


Dahil dito, nagbalikan sa Andrews Avenue ang LSIs kung saan nagbalikan din sa nasabing lugar ang iba nilang nakasama na nagtungo naman sa wellness center ng Philippine Army pero hindi din pinapasok.

Nabatid na puno pa rin ng LSIs ang wellness center na una nang inilipat nitong nakaraang buwan pero hindi pa din sila nakakaalis dahil sa naghihintay pa rin ng schedule ng kanilang biyahe.

Sa ngayon, umaasa na lamang ang LSIs na matulungan sila ng lokal na pamahalaan ng Pasay lalo na’t hindi na sapat ang hawak nilang pera para umupa o mag-stay sa mga hotel o apartelles.

Samantala, sa tala naman ng Pasay City Epidemiology and Disease Surveillance Unit, umaabot na sa 891 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Nasa 351 ang probable, 19 ang suspected, 42 ang nasawi at 509 na mga residente ng Pasay ang gumaling sa COVID-19.

Facebook Comments