Ilang lugar pa sa bansa ang naabot na rin ang metrics upang maibaba sa Alert Level 1.
Pahayag ito ni Health Secretary Francisco Duque III sa harap ng inaasahang desisyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) kaugnay sa iiral na alert level sa Metro Manila para sa Marso.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ng kalihim na kabilang din ito sa mga tatalakayin ng IATF ngayong hapon.
Hinihintay na lamang ng IATF ang pinakahuling datos kaugnay sa metrics na idinagdag ng pamahalaan, o iyong pamantayan na dapat maabot ng mga lugar ang 80% vaccination coverage sa senior citizen, bago sila maikonsidera sa Alert Level 1.
Matatandaan na una na ring sinabi ng kalihim na kung siya ang tatanungin, hinog na o handa na ang Metro Manila na bumaba sa Alert Level 1.
Gayunpaman, nilinaw ng kalihim na opinyon lamang niya ito, at hindi pa ito ang posisyon ng IATF.