Ilang lugar sa bansa, mano-manong isasagawa ang paglilista sa mga residenteng nais magpabakuna; COVID-19 vaccine information drive, mas paiigtingin pa ng DOH

Inihayag ng Department of Health (DOH) na mano-mano ang gagawing paglilista sa ilang lugar sa bansa ng mga residenteng nais magpabakuna.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, hindi pa kaya ng ahensya na gawing digital ang pagbuo sa data base para sa COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.

Aniya, walang access sa internet ang ilang lugar sa bansa kaya’t hindi na nila aambisyunin pa na maabot ang full digitized system.


Sa kabila nito, tiniyak ni Duque na walang magiging problema sa suplay ng kuryente para sa mga cold storage facilities na paglalagyan ng mga bibilhing bakuna.

Samantala, umaasa si Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na aabot sa 85% ang tiwala ng publiko sa COVID-19 vaccination na gagawin ng pamahalaan dahil sa pagpapaigting ng ahensya sa isinasagawang COVID-19 vaccine information drive.

Facebook Comments