Ilang lugar sa lungsod ng Maynila, posibleng isailalim sa lockdown

Kinokonsidera ngayon ng lokal na pamahalaan ng Maynila na isailalim sa lockdown ang ilang lugar sa lungsod.

Ito’y kapag nagtuluy-tuloy ang pagtaas ng bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Maynila sa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Ayon kay Mayor Francisco “Isko” Moreno-Domagoso, maaaring magpasya siyang magdeklara ng lockdown sa ilang mga lugar upang makontrol o kaya ay mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.


Sa ngayon, sinabi ni Moreno, nasa 1,152 na ang positibong kaso ng COVID-19 sa Maynila, 889 ang active cases habang 91 na ang namatay at 172 ang naka-recover sa sakit.

Nabatid na may ilang barangay sa lungsod ang nagpapatupad ng kanya-kanyang lockdown upang masiguro nila na hindi mahahawaan ang mga residente ng COVID-19.

Dagdag pa ng alkalde na tuluy-tuloy naman ang ginagawang COVID-19 mass testing ng lokal na pamahalaan sa mga residente ng Maynila, maging sa ilang empleyado ng Local Government Unit (LGU).

Sa kabuuan, nasa 7,084 na ang sumailalim sa swab test at nasa 38,708 naman ang sumailalim sa rapid test.

Operational na rin ang tatlong pasilidad upang mas matugunan pa ang pangangailangan ng mga may kaugnayan sa COVID-19, at kabilang dito ay ang Delpan Quarantine Facility, Araullo Quarantine Facility at ang Tondo Emergency Quarantine Facility.

Facebook Comments