Ilang lugar sa Metro Manila, isinailalim sa localized lockdown dahil sa muling pagsipa ng kaso ng COVID-19

Ilang lugar sa Metro Manila ang isinailalim sa localized lockdown bunsod ng tumataas na bilang ng COVID-19.

Simula alas 6:00 mamayang gabi hanggang July 1, isasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Purok 5 at 6 sa Barangay Lower Bicutan, isa sa mga barangay sa Taguig na may pinakamataas na kaso ng COVID -19 na nasa 53.

Balik ECQ rin ang Barangay Santa Ana sa Pateros matapos na makapagtala ng siyam na active cases ng sakit.


Ngayong araw din sinimulang ipatupad ang “special concern lockdown” sa Sitio 6 ng Barangay Catmon, Malabon na tatagal hanggang June 21.

Pinalawig naman ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang hard lockdown sa H. Monroy Street sa Barangay Navotas West hanggang June 20.

Nito sanang Lunes, June 15, magtatapos ang lockdown sa lugar pero 49 o 51% mula sa 96 na isinalang sa rapid COVID-19 test ang nagpositibo sa virus.

Matatandaang hinimok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na maging mas agresibo sa pagpapatupad ng localized lockdown para mapigilan ang pagkalat ng COVID -19.

Facebook Comments