Magpapatupad ng water service interruptions ang Maynilad sa malaking bahagi ng Metro Manila sa darating na long weekend.
Ito ay upang bigyang-daan ang paglilinis sa apat nitong basins sa La Mesa Treatment Plant 1 na naapektuhan noon ng Bagyong Karding at mga pag-ulan kamakailan.
Araw-araw itong ipatutupad simula bukas, October 28 at tatagal hanggang November 2 sa ganap na alas-9:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.
Apektado ng water service interruptions ang mga customer ng Maynilad sa Caloocan, Makati, Malabon, Maynila, Parañaque, Pasay, Quezon City at Valenzuela.
Paliwanag ng Maynilad, nais nilang samantalahin ang long weekend para magsagawa ng maintenance activities kung saan mababa ang konsumo sa tubig ng mga tao dahil karamihan ay nasa mga probinsya para sa paggunita ng Undas.
Pinapayuhan naman ang mga apektadong customers na mag-ipon na ng sapat na tubig habang naka-standby rin ang kanilang mga water tanker para maghatid ng maiinom na tubig.