Sira-sirang hanging bridge ang kailangan daanan para makatawid sa ilog ang mga estudyante at residente ng Sitio Malingin sa Opol, Misamis Oriental. Kahit delikado, hindi alintala ng mga naninirahan sa lugar na dumaan sa tulay.
Sa ulat ng 24 Oras kagabi, primetime newscast ng GMA 7, tatlong kilometro ang nilalakad ng grade 5 student na si Cacho Reno upang makapasok sa Opol Central School. Nagsisimula ang kanyang klase ng 12:00NN at magwawakas ng 6:00PM.
Para makauwi agad, dumadaan siya sa peligrosong tulay. Kaba, gutom, at pagod ang kailangan tiisin ni Reno sa araw-araw. Dagdag pa niya, dalawang beses na itong nahulog sa sira-sirang hanging bridge. Laking pasasalamat ng bata na hindi mabilis ang agos ng ilog.
Aminado ang ilang mag-aaral na pinipili nilang tahakin ang delikadong tulay dahil mas matipid ito kumpara sa pagsakay ng habal-habal. Karamihan sa kanila, walang pambayad.
Paglilinaw ng alkalde ng Opil na si Max Seno, meron pondong ibinigay upang ikumpuni ang problemadong tulay ngunit hindi ito nagamit dahil inabutan ng election ban. Noong nakaraang linggo, sinara muna ito sa publiko.
Hiling ng mga kagaya ni Reno at iba pang naninirahan sa lugar, sana maayos agad ang sira-sirang hanging bridge para sa ikapapanatag ng kanilang mga buhay.