Manila, Philippines – Nagbigay ng paliwanag ang pamunuan ng AFP sa pagpigil nitong makabiyahe patungo ng Pag-Asa Island, bahagi ng Kalayaan Group of Islands sa West Philippine Sea, ang ilang mambabatas kahapon.
Nakatakda sanang magsagawa ng public hearing sa Pag-asa island ang House Committee on government enterprises and privatization sa pangunguna ni Rep. Harry Roque.
Layunin ng pagdinig na makalikha ng panukalang batas para magkaroon ng West Philippine Sea Development Authority nang sa ganun makapagtayo roon ng seaport, airport, at mga imprastrakturang pang edukasyon, turismo at kalusugan.
Sinabi ni Capt. Cheryl Tindog, tagapagsalita ng western command, na pangunahing konsiderasyon nila rito ay ang kaligtasan ng mga mambabatas.
May ilang araw na kasi aniyang umuulan sa Pag-asa Island kaya malambot ang lupang paglalapagan ng anumang aircraft o eroplano na posible aniyang magdulot ng peligro sa kaligtasan ng mga tutungo roon.
Bibilang aniya ng tatlo hanggang limang araw bago muling tumigas ang lupa para pwede na ulit itong mapalapagan ng eroplano.
Sa katunayan, sinabi ni Tindog na maging ang nakatakda sanang biyahe sa isla ngayong araw nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at AFP Chief of Staff General Eduardo Año kasama ang ilang miyembro ng media ay naudlot din dahil sa parehong dahilan.