Nakatakda nang ihatid ng Philippine Navy pabalik ng Zamboanga ang nasa higit 200 indigenous people (IPs) na naunang nasagip dahil sa human trafficking.
Nabatid na nasa 303 na indigenous people na pawang mga Badjao ang nasagip ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) matapos silang makarating sa Manila North Harbor Seaport sa Tondo, Manila noong Biyernes.
Ayon sa IACAT, inasikaso ng isang indibidwal ang pagbiyahe ng mga nasabing Badjao gayundin ang kanilang tutuluyan kung saan patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan nito.
Pansamantalang nanuluyan ang mga Badjao sa isang temporary shelter sa Quezon City sa ilalim ng Balik Probinsya, Bagong Pag-Asa program ng National Housing Authority (NHA).
Isinailalim na rin sila sa antigen swab test kung saan 282 ang ihahatid na pabalik sa Zamboanga habang 21 ang maiiwan dahil sa problema nila sa kalusugan.
Ang ilan sa mga nasagip na Badjao ay unang iginiit na mayroon silang bibisitahin na mga kamag-anak dito sa Metro Manila pero hindi naman nila masabi kung saan at kung sinu-sino ang mga ito.
Ang naging hakbang naman ng IACAT ay upang mapangalagan ang sinumang indibdwal mula sa ilegal na gawain lalo na’t malalagay sa alanganin ang kalusugan ng mga Badjao kung sila ay gagamitin lamang ng sindikato para mamalimos sa kalsada.