Ilang mga biktima ng human trafficking papuntang Israel, nasagip ng BI

Nasagip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang walong biktima ng human trafficking na ipupuslit sana sa Clark International Airport para magtrabaho sa Israel.

Ito’y matapos maharang ang isang illegal recruiter na sinamahan ang mga biktima kung saan pinagpanggap na kasali ng isang pilgrimage activity sa nasabing bansa.

Ayon sa mga biktima, nagpakilalang travel agent ang recruiter at pinangakuan sila ng trabaho bilang hospital at hotel cleaner sa Israel na may buwanang sahod na P60,000 hanggang P80,000.


Nangako rin ang recruiter isa kanila na ide-deploy sila sa ligtas na bahagi ng Israel na kasalukuyang nasa Crisis Alert Level 2 dahil sa nagpapatuloy na giyera sa Gaza.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco dapat managot sa batas ang illegal recruiter at mabigyang hustisya ang mga biktima para magsilbing ehemplo sa mga magtatangka pang manamantala sa pangangailangan ng mga kababayang naghahanap ng trabaho.

Dinala naman na sa Inter-Agency Council Against Trafficking ang walong biktima na bibigyan ng assistance habang patong-patong na kaso ang isasampa sa hindi pa pinangalang illegal recruiter.

Facebook Comments