Ilang mga deboto, aminadong mas maayos ang isinigawang Traslacion ngayong 2024 kumpara noong mga nakaraang taon bago ang COVID-19 pandemic

PHOTO: Chill Emprido

Aminado ang ilang deboto ng Poong itim na Nazareno na mas maayos at organisado ang isinagawang Traslacion ngayong taon kumpara noon bago pa magkaroon ng COVID-19 pandemic.

Ito’y kasunod ng mga pagbabago na ipinatupad ngayong 2024.

Simula noong sabado napansin na ng mga deboto na organisado ang naging takbo ng tradisyunal na ‘pahalik’ o pagpupugay sa black Nazarene.


Sa panayam ng RMN Manila kay Nanay Thelma Lucin, sinabi nitong mas magaan ngayon at hindi ganoon kagulo ang simula ng prusisyon kaninang madaling araw.

Aniya, sana raw ay magtuloy-tuloy ito hanggang maipasok muli ang andas ng Poong Nazareno pabalik sa Quiapo Church.

Kung kanina ay mabilis ang pag-galaw at pag-usad ng Andas ng Poong Nazareno palabas ng Quirino Grandstand ngayon naman ay bahagyang bumagal ito dahil na rin sa dagsa ng mga deboto na sumalubong sa prusisyon.

Nararanasan pa rin ang manaka-nakang pag-ulan dito sa Maynila na isa rin sa dahilan ng pagbagal ng prusisyon.

Patuloy naman ang paalala ng mga awtoridad sa mga deboto na magpupunta pa sa Quiapo Church mamaya na huwag ng magdala ng gamit upang maiwasan ang pagkaantala at mas mabilis na pagpasok sa simbahan.

Facebook Comments