Handa na ang ilang mga deboto ng Poong Itim na Nazareno para sa gagawing pagbabasbas ng mga replika kaugnay sa Traslacion 2024.
Sisimulan ito mamayang ala-1:30 ng hapon kung saan para maiwasan na magdagsaan ang mga deboto na may dalang mga replika, ginawa ang aktibidad ng dalawang araw.
Kasabay ng pagbabasbas ng replika ang prusisyon nito at iikot sila sa paligid ng Quiapo Church.
Nagmula pa ang mga deboto sa iba’t ibang bahagi ng Maynila at sa mga kalapit na lalawigan tulad ng Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite.
Nabatid na madaling araw pa lamang ay nakapila na ang mga replika kung saan mahigpit na seguridad ang ipinatutupad ng Manila Police District (MPD).
Para maging maayos naman ang daloy ng pagbabasbas at prusisyon ng replika ng itim na Nazareno, naglagay ng mga barikada ang MPD habang tutulong din sila para sa maayos na daloy ng trapiko.