Ilang mga guro, ibinalik ang laptop mula sa DepEd

Ibinalik ng ilang mga guro ang biniling laptop para sa kanila ng Department of Education (DepEd).

Sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee tungkol sa overpriced na laptops na binili ng DepEd sa pamamagitan ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM), sinabi ni Teachers’ Dignity Coalition Chairman Benjo Basas na marami sa mga guro ang ibinalik ang laptop dahil hindi nagustuhan ang performance habang ang iba na pagkakita pa lang sa laptop ay agad na isinauli matapos malamang mababa ang specifications.

Aabot aniya sa 30 ang reklamo ng mga guro na kanilang natanggap patungkol sa overpriced na laptops.


Tinukoy ni Basas na ang pinakahuling guro na nagsauli ng laptop ay noong February 9 mula sa isang teacher sa San Jose at isang guro sa Baguio noong March 15.

May isa rin aniyang guro sa Aurora Province ang nagsauli ng laptop nang malaman na napakamahal ng presyo sa pangambang baka pabayarin sa kanila kapag nasira.

Humingi naman si Blue Ribbon Committee Chairman Francis Tolentino ng sinumpaang salaysay ng mga gurong may reklamo sa laptop upang masuportahan ang claim ng Commission on Audit (COA) na maraming guro ang nagbalik ng laptops dahil sa mabagal ito at hindi rin mapakinabangan ng husto.

Facebook Comments