Sa kabila ng pabago-bagong lagay ng panahon, isinagawa pa rin ng grupo ng mga kababaihan ang Unity Walk sa lungsod ng Maynila.
Sinimulan ito sa Kartilya ng Katipunan patungong Luneta kung saan nakibahagi rito ang iba’t ibang samahan ng mga kababaihan, pulisya at mga empleyado ng Manila City Hall.
Ito’y bilang panimula ng 18-araw na kampaniya para sa paggunita ng National Consciousness Day For The Elimination Of Violence Against Women And Children (VAWC).
Sa pahayag ng Philippine Commission on Women (PCW), marami pa rin ang hindi nakaka-alam na ang VAWC ay patuloy pa rin na lumalaganap sa ating bansa.
Ang VAWC ay isa rin sa malubhang pagpapakita ng hindi pagkakaroon ng pantay-pantay pagdating sa kasarian.
Matatandaan na ang PCW ang isa sa mga ahensiya ng pamahalaan na naatasan na i-review, i-evaluate, at magrekomenda ng mga hakbang para mapangalagaan ang karapatan ng mga kababaihan kung saan hangad nila na magkaroon ng pantay-pantay para sa lahat.
Nabatid naman na base sa World Economic Forum’s Global Gender Gap Report 2022, ang Pilipinas ay nasa pang-19 na pwesto mula sa 146 na bansa na nagsisikap para magkaroon ng pagkakapantay-pantay pagdating sa usapin ng kasarian.