Gusto nang umuwi ng Pilipinas ng ilan nating mga kababayan na nagttrabaho at naninirahan sa Russia.
Sa Laging handa public press briefing sinabi ni Philippine Ambassador to Russia Carlos Sorreta na kahit na wala pang tinatamaang Filipino ng COVID-19 sa Russia ay mayroon nang lumalapit sa kanila at nagpapatulong upang makabalik ng bansa.
Ayon kay Sorreta, sa ngayon kinakalap muna nila ang lahat ng detalye at impormasyon ng mga kababayan nating gustong ma-repatriate at inaalam ang kanilang lokasyon maging ang kanilang visa status at kapag ito ay naplantsa na maaari naman silang bumalik ng Pilipinas.
Karamihan kasi ng mga kababayan natin sa Russia ay pawang mga household service workers at part timers na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19.
Pansamantala, pinatutuloy muna nila ang ilan nating mga kababayan sa ating embahada kung saan mayruon silang inilagay na shelter wards at pinagkakalooban din ang mga apektado ng food assistance.
Sa pinaka huling datos pumalo na sa higit 27,000 ang tinamaan ng COVID-19 sa Russia kung saan higit 200 naman ang naitalang nasawi.