Ilang mga kalsada sa QC Chinatown, isasara sa mga motorista para sa pagdiriwang ng Chinese New Year 2025

Nag-abiso na ang Quezon City Traffic and Transport Management Department (TTMD) na ngayon pa lamang ay inaasahang trapik na sa ilang bahagi ng tinaguriang Quezon City Chinatown sa bahagi ng Banaue Street.

Ito ay dahil isasara sa mga motorista ang ilang mga kalsada simula mamayang madaling araw para sa pagdiriwang ng Chinese New Year.

Kabilang sa hindi muna padadaanan simula mamayang alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-9 ng gabi ay ang:
• Del Monte Avenue corner Banawe Street;
• Linaw Street corner Matutum Street;
• Banawe Street corner Sct. Alcaraz Street;
• Biak na Bato Street corner Linaw Street;
• Sta. Catalina Street corner Palanan Street at
• Sta. Catalina Street corner Ubay Street.


Sa ngayon ay kasado na ang Traffic Re-Routing para sa mga maaapektuhang motorista at may inilaan na ring parking areas para sa mga lalahok sa pagdiriwang ng Chinese New Year.

Katuwang ang Quezon City Police District (QCPD) ay magtatalaga naman ng sapat na tauhan ang TTMD at Department of Public Order and Safety (DPOS) para maisaayos ang daloy ng trapiko at seguridad sa Banawe habang ipinagdiriwang ang Chinese New Year bukas, Enero 29.

Facebook Comments