
Hindi kailangan humingi ng permiso mula sa Commission on Elections (Comelec) kaugnay sa pagpapatupad ng Philippine National Police (PNP) ng Oplan Katok.
Ito ang sinabi ni PNP spokesperson at Police Regional Office (PRO) 3 Regional Director PBGen. Jean Fajardo matapos na magpahayag ng hindi pagpabor si COMELEC Chairman George Erwin Garcia sa Oplan Katok ng PNP dahil sa pangambang baka magamit ito sa pangha-harass ng mga pulis.
Ani Fajardo, bago pa man umarangkada ang election period ay nagsisimula na ang Oplan katok ng PNP.
Kasabay nito, nilinaw ni Fajardo na hindi basta-basta mga botante kundi mga indibidwal na mayroong pasong rehistro at lisensya ng baril ang subject ng Oplan Katok na layong paalalahanan ang mga ito para sa renewal ng mga papeles ng kanilang mga armas.
Sa datos ng PNP nasa higit 621,000 mga licensed gun holder na ang napadalhan ng notice ng PNP habang aabot naman sa higit 300,000 na mga pasong baril ang na-revoke na ng Pambansang Pulisya.