Ilang mga kongresista, tutol sa rekomendasyong buhayin ang parusang kamatayan

Tinututulan ng ilang mga kongresista ang suhestyon na ibalik ang parusang kamatayan kaugnay na rin ng pagpatay ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-inang Gregorio sa Tarlac.

Naniniwala ang maraming kongresista sa Kamara na hindi death penalty ang solusyon para matigil ang violence sa bansa.

Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, kailangan ng lansagin ang kultura ng karahasan na namamayagpag sa ilalim ng administrasyong Duterte.


Ang culture of violence aniya na kinukunsinti ng pamahalaan ang siya ring dahilan ng walang pakundangan na pagpatay sa mga hukom, abogado, media, doctor at mga ordinaryong mamamayan.

Nababahala naman si Gabriela Rep. Arlene Brosas na abusuhin ang death penalty at tiyak na ang mga mahihirap na mamamayan lamang ang mapaparusahan nito.

Giit ni Brosas, mas malaking hamon na dapat harapin at unahin ng gobyerno ay ang pagsasaayos sa justice system partikular sa pagpapabilis sa pagpapanagot sa mga maysala at pagtulong sa mga mahihirap na walang kakayahan para sa patas na oportunindad ng hustisya.

Sinabi naman ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro na patuloy nilang haharangin sa Kamara ang reimposition ng parusang kamatayan dahil bukod sa hindi na nito malulutas ang mga krimen sa bansa, hindi rin ito makakatulong para resolbahin ang health crisis na kinakaharap ng bansa na siyang dapat pinaprayoridad ng pamahalaan.

Facebook Comments